Martes, Disyembre 27, 2011

Pasko sa Siyudad



                Nagtataasang mga gusali na nababalutan ng makukulay na palamuti, nagkalat na mga tiangge, iba’t ibang pagtatanghal, at punumpunong mga shopping malls… ilan lamang iyan sa mga tanawin at eksenang aking napagmasdan sa siyudad ngayong Pasko. Isama mo pa riyan ang nagagandahan at hi-tech na disenyong pampasko na nagkalat sa mga sikat na gusali. Kami ng aking pamilya ay piniling magdiwang ng Pasko sa siyudad. Buhay na buhay ang siyudad sa gabi, sobrang dami ng tao kumpara sa hapon at tanghali. Ilan sa aming pinuntahan ay ang Eastwood City, Mall of Asia, at Luneta Park. Inirekomenda ng pinsan ko na pasyalan namin ang Ayala Triangle dahil sadyang maganda at masaya raw doon lalo na ngayong panahon ng Pasko ngunit kinulang kami sa oras.




                Ang Eastwood City ay isa sa pinaka-magandang lugar sa Metro Manila. Mayroon itong kakaiba, matatayog, at kahanga-hangang istrukrura na masarap i-capture sa camera. Mapapako din ang iyong mga mata oras na masilayan mo ang mga elegante at nagniningning na palamuti kung saan mas lalo mong madarama ang Pasko. Sa Central Park nito matatagpuan ang nakaka-relax na lagoon at botanical garden. Swak din sa mga mamimili ng mga panregalo ang bazaar dito na bukas hanggang ika-31 ng Disyembre, na dinudumog dahil sa kanilang classy na produkto sa murang halaga. Samantalang sa Main Mall naman mamamalas ang napaka-taas na Christmas Tree at ang major attraction na Musical Dancing Fountain. Noong ikalawang linggo ng Disyembre, nagkaroon ng mga kaganapan sa Eastwood tulad ng pagdadagdag ng mga kinikilalang personalidad sa Walk of Fame sa City Walk, nagkaroon din ng artificial snow at fireworks display na kinagiliwan ng mga bata.

                Sa Luneta Park, na-enjoy namin yung mini-train na umiikot sa buong makasaysayang parke. Hindi rin ito nagpahuli sa mga palamuti at disenyo ngayong Pasko. Nagkaroon din dito ng mga fireworks display at nakabibighaning Central Lagoon, at Musical Dancing Fountain na ipinepresenta sa mga tao. Sa ngayon, maraming tao ang nagdiwang ng Pasko rito, sapagkat lalo itong pinaganda, inayos, at nilinis, kaya safe na itong maituturing kumpara noon. Atraksyon din dito ang Peacock Spray Waterscreen kung saan maaaring mapanood ng mga tao ang isang palabas na ang tumatayong screen ay ang tubig. 


                Maganda rin at kaaya-aya ang aura sa Mall of Asia na alam naman ng lahat na kilala sa malaking steel globe nito at pagiging ikatlo sa pinaka-malaking mallsa buong mundo. Maraming spots para makakuha ng mga remembrance photo ang magkakapamilya at magkakabarkada rito, tulad ng; Snow Man design sa may Seaside at maliit na Christmas City sa loob ng mall.

                Hmm… para sa akin mas masaya  pala ang magdiwang ng Pasko sa siyudad, lalo na nga at buo kaming pamilya at dagdag pa sa kasiyahan ang mga magagandang tanawin pati na ang mga tao na puno rin ng ligaya. Ang gaan talaga sa pakiramdam kapag nagkakaroon ka ng pagkakataong makasama ang mga mahal mo sa ganitong lugar sa mga pagdiriwang tulad nito. Ito pala ang Pasko sa siyudad. Iba talaga ang nagagawang presensiya nito sa bawat isa. Natatangi ang Pasko kong ito, na masasabi kong “pinaka” sa lahat ng nagging pagdiriwang ko sa bawat Pasko ko.

Isang Repleksyon: Babae ni Inang Laya

               


                  Sino nga ba ang mga kababaihan? Ano nga ba nga kanilang gampanin sa lipunan? Tama nga ba ang imahe na nabubuo sa isipan ng iba na ang mga kababaiha’y walang silbi at sadyang pambahay lamang? Hinahamon ng kantang Babae ni Inang Laya na ipakita at ilabas ng mga kababaihan kung ano nga ba sila at ano ang kanilang kakayahan.



                Ang mga kababaihan sa ngayon ay hindi na tulad ni Maria Clara at ng iba pang kababaihan noong panahon ng Kastila. Hindi na sila yung mga mahihinhin at walang lakas. Hindi na sila yung mga pinupuwersang pag-aralan ang mga gawaing bahay at pampamilya lamang at hindi ang mga kaalamang pang-eskuwela at panlipunan. Ang mga kababaihan sa kasalukuyan ay moderno at may boses na. May sapat na lakas upang batikusin ang pulitika at makialam sa takbo ng pamahalaan. Ginagamit na nila ang kanilang talino at mga kakayahan upang maging kapaki-pakinabang sa bansa. Sa katunayan, hindi na sila nagpapailalim sa kapangyarihan ng mga kalalakihan, sa ibang pagkakataon pa nga ay napapantayan at nahihigitan pa nila ang mga ito. Hindi nalang mga kalalakihan ang may hawak sa kapangyarihan, hindi nalang ang mga kalalakihan ang may kontrol sa mundo.


                Marami na ang Gabriela Silang at Tandang Sora sa panahong ito. Mga kababaihan na isinisigaw ang kanilang mga mithiin at hinaing. Mga kababaihan na ipinaglalaban ang kanilang karapatan at ginagamit ang kanilang boses at talino upang hindi basta-basta maapi. Mga kababaihan na ginagamit ang kanilang mga kakayahan upang mapansin, umangat, at makatulong sa nasasakupan. Hindi ba’t hindi nalang pulos lalaki ang mga pulis, doktor, inhinyero, at arkitekto? Hindi na lamang puro lalaki ang may kontrol at opisyal ng pamahalaan. May mga kababaihan na nga na nakakalahok sa mga turnamentong pampalakasan upang irepresenta ang bansa (tulad ng Tae Kwon Do, Boxing, at Weight Lifting). Iba na ang mga kababaihan ngayon, hindi na sila yung mga kababaihan na sinasabing nakatadhanang manatili sa tahanan, at tuntuning paglingkuran at maging libangan ng kanilang asawa. Hindi na gano’n ang mga kababaihan, hindi sila y’ung walang sariling direksyon ang buhay.


                Marahil may mga isyu at usapin pa rin na sangkot ang mga kababaihan na hanap-buhay daw ang pagiging libangan ng mga kalalakihan. Ngunit sa aking pananaw, alam kong nakalaya na ang karamihan sa mga kababaihan sa hukay na pilit pinagtataguan ng kanilng katauhan at karapatan. Sapagkat atin namang mamamalas na ang mga kababaihan ay nararamdaman na sa bawat sulok sa ating lipunan. Sana nga lamang ay mas maging ganap na ang paglaya ng bawat kababaihan.

Kahit Malas



                Ang pinaka-nakakainis na karanasan ko ngayong Christmas break ay nangyari sa isa sa pinaka-masayang araw ng taon ko, noong post-birthday celebration ko kasama ang dalawa sa pinakamalapit kong kaibigan. Sunud-sunod na kamalasan ang inabot ko nung araw na ‘yon, bago pa man ako makarating sa meeting place namin. Pakiramdam ko nga, nang magtapon yata ang Diyos ng kamalasan eh ako lang ang nasa labas kaya nasalo ko ng lahat. Kahit na nga punmpuno ako ng positive thoughts hindi pa rin umubra. Paano ba naman, una; muntik na akong madapa sa harap ng maraming tao to think na ang ganda-ganda ng porma ko tapos may eksenang gano’n at naka-flats kaya ako. Pangalawa, ang tagal-tagal kong nag-abang ng airconditioned bus tapos sa tayuan pa pala ako matatapat, amt hinayang factor tuloy ako na sana nag-ordinary nalang ako hindi man aircon, mahangin naman, mas mura pa ang pamasahe plus naka-upo pa ako. Pangatlo, pervertyung katapat ko sa bus, buwisit! Bakit ba naman kasi hindi tulad ng sa LRT at MRT na hiwalay yung lalake sa babae (demanding?). At panghuli, nakatulog ako sa bus nung pauwi na, kaya lumampas ako sa dapat pagbababaan ko, ayun b’yahe na naman.







                                                                                                Pero sa kabila n’on, na-enjoy ko pa rin ‘yung araw na iyon kahit na nga naisip kong huwag ng tumuloy dahil nga ang sasama ng mga nangyayari. Buti nalang tumuloy ako dahil bagong bonding experience na naman ang naranasan ko kasama ang aking mga kaibigan. Nagpunta kami sa SM North Edsa at Eastwood City. Namili rin kami dahil sakto at may bazaar sa Eastwood City Walk. Na-enjoy din namin ang Bunjee Jumping at Rodeo Ride na talagang kakaiba at nakakatuwang balik balikan. Namalas namin ang matayog at nagniningning na Christmas tree sa Central Park, nagkikislapang mga palamuti at ilaw, at ang nakaka-aliw naMusical Dancing Fountain. Masasabi kong tunay na damang dama na ang Pasko roon.

               Pero kahit pinakyaw ko ang kamalasan noong araw na iyon, hindi pa rin matatawaran ang kasiyahang nadama ko kasama ang mga kaibigan ko. At ang mga karagdagang first time sa listahan ng mga experience ko. Sa puntong, nakalimutan ko na ang mga nakakainis na pangyayaring muntik ng sumira sa masayang araw pala na iyon.