Nagtataasang mga gusali na nababalutan ng makukulay na palamuti, nagkalat na mga tiangge, iba’t ibang pagtatanghal, at punumpunong mga shopping malls… ilan lamang iyan sa mga tanawin at eksenang aking napagmasdan sa siyudad ngayong Pasko. Isama mo pa riyan ang nagagandahan at hi-tech na disenyong pampasko na nagkalat sa mga sikat na gusali. Kami ng aking pamilya ay piniling magdiwang ng Pasko sa siyudad. Buhay na buhay ang siyudad sa gabi, sobrang dami ng tao kumpara sa hapon at tanghali. Ilan sa aming pinuntahan ay ang Eastwood City, Mall of Asia, at Luneta Park. Inirekomenda ng pinsan ko na pasyalan namin ang Ayala Triangle dahil sadyang maganda at masaya raw doon lalo na ngayong panahon ng Pasko ngunit kinulang kami sa oras.
Ang Eastwood City ay isa sa pinaka-magandang lugar sa Metro Manila. Mayroon itong kakaiba, matatayog, at kahanga-hangang istrukrura na masarap i-capture sa camera. Mapapako din ang iyong mga mata oras na masilayan mo ang mga elegante at nagniningning na palamuti kung saan mas lalo mong madarama ang Pasko. Sa Central Park nito matatagpuan ang nakaka-relax na lagoon at botanical garden. Swak din sa mga mamimili ng mga panregalo ang bazaar dito na bukas hanggang ika-31 ng Disyembre, na dinudumog dahil sa kanilang classy na produkto sa murang halaga. Samantalang sa Main Mall naman mamamalas ang napaka-taas na Christmas Tree at ang major attraction na Musical Dancing Fountain. Noong ikalawang linggo ng Disyembre, nagkaroon ng mga kaganapan sa Eastwood tulad ng pagdadagdag ng mga kinikilalang personalidad sa Walk of Fame sa City Walk, nagkaroon din ng artificial snow at fireworks display na kinagiliwan ng mga bata. Sa Luneta Park, na-enjoy namin yung mini-train na umiikot sa buong makasaysayang parke. Hindi rin ito nagpahuli sa mga palamuti at disenyo ngayong Pasko. Nagkaroon din dito ng mga fireworks display at nakabibighaning Central Lagoon, at Musical Dancing Fountain na ipinepresenta sa mga tao. Sa ngayon, maraming tao ang nagdiwang ng Pasko rito, sapagkat lalo itong pinaganda, inayos, at nilinis, kaya safe na itong maituturing kumpara noon. Atraksyon din dito ang Peacock Spray Waterscreen kung saan maaaring mapanood ng mga tao ang isang palabas na ang tumatayong screen ay ang tubig.
Maganda rin at kaaya-aya ang aura sa Mall of Asia na alam naman ng lahat na kilala sa malaking steel globe nito at pagiging ikatlo sa pinaka-malaking mallsa buong mundo. Maraming spots para makakuha ng mga remembrance photo ang magkakapamilya at magkakabarkada rito, tulad ng; Snow Man design sa may Seaside at maliit na Christmas City sa loob ng mall. Hmm… para sa akin mas masaya pala ang magdiwang ng Pasko sa siyudad, lalo na nga at buo kaming pamilya at dagdag pa sa kasiyahan ang mga magagandang tanawin pati na ang mga tao na puno rin ng ligaya. Ang gaan talaga sa pakiramdam kapag nagkakaroon ka ng pagkakataong makasama ang mga mahal mo sa ganitong lugar sa mga pagdiriwang tulad nito. Ito pala ang Pasko sa siyudad. Iba talaga ang nagagawang presensiya nito sa bawat isa. Natatangi ang Pasko kong ito, na masasabi kong “pinaka” sa lahat ng nagging pagdiriwang ko sa bawat Pasko ko.



Walang komento:
Mag-post ng isang Komento